Sa pagpapatupad ng distance learning dahil sa pandemya, maraming pagsubok na hinaharap ang mga guro, estudyante at pati na rin ang m...
Sa pagpapatupad ng distance learning dahil sa pandemya, maraming pagsubok na hinaharap ang mga guro, estudyante at pati na rin ang mga magulang. Isa na rito ang mga kakulangan sa mga gadgets at ang poor internet connection sa mga liblib na probinsya o lugar at dahil dito ay hindi sila makasabay sa mabilis na pagbabago ng estilo ng edukasyon.
Isa na sa mga naapektuhan ng ipinatupad ang distance learning ay ang mga guro sa San Francisco, Quezon. Naghahanap ng signal sina Teacher Michelle Ursabia at ilang kapwa niya guro para makasagap ng internet, ipinasok nila sa isang lalagyan ang pocket WiFi, isinabit sa lubid at iniangat sa tuktok ng isang puno. Kailangan nila itong gawin para makapag-online para magawa nila ang kanilang trabaho. Nu'ng sumunod na araw, umakyat naman ng bundok sina Teacher Michelle para doon humanap ng mas malakas na signal. Kailangan kasi nilang daluhan ang isang webinar ng Department of Education.
Isa rin sa mga naapektuhan sa ganitong sitwasyon ay ang mga magulang. Dahil kailangang maghanapbuhay, may ilang nanay at tatay na hindi natututukan ang pag-aaral ng mga bata. May ilan ding hindi naiintindihan ang mga module kaya hirap silang maturuan ang mga anak.
Para matulungan sila, binibisita ng mga guro tulad ni Teacher Michelle ang kanilang mga estudyante upang masubaybayan ang pag-aaral ng mga ito. Dinadayo nila kahit ang mga nakatira sa pinakamalayong lugar at nagbabahay-bahay upang magturo.